Monday, December 6, 2010

Pangangalaga sa Kalikasan

         Sa panahon ngayon, kaliwa't kanan na ang ginagawang impormasyon tungkol sa pag-init ng mundo. Iba't ibang paraan ngunit iisang layunin, ito'y ang mamulat ang mamamayan sa katotohanang unti-unti nang nanganganib ang kalikasan maging ang sangkatauhan. Pinaglalaanan ng panahon, pera, at di-matawarang serbisyo upang maging matagumpay ang lahat. Subalit, naging matagumpay nga ba? Tumigil na kaya ang iilan sa walang pakundangang pang-aabuso sa likas na yaman? 

          Napakasarap namnamin ang tagumpay, lalo na kung ang dulot nito'y para sa ikabubuti ng lahat. Bago mo makamit ito, kailangan mo munang makipaglaban. At sa iyong pakikipaglaban, kailangan mo ng mga sandata upang di matinag o masaling man lang ng mga kalaban. Lakas, estratehiya, prinsipyo, gawa...yan ang iyong mga kailangan. Kung wala kang lakas, hindi mo magagawa ang mga estratehiyang naaayon sa 'yong prinsipyo. Kung wala kang estratehiya, gawin mo man ang naaayon sa iyong prinsipyo nang buong lakas ay kulang pa rin. Kung ang prinsipyo mo'y kayang tinagin, ano pa ang halaga ng mga gawaing iyong nasimulan  na sadyang pinaglaanan ng estratehiya't lakas? Kung wala ka namang balak gawin ang tungkol sa bagay na sa tingin mo'y nakabubuti para sa nakararami, anong prinsipyo meron ka na kailangang paglaanan ng lakas at estratehiya?

     Sa larangan ng pagkakaisa para sa kalikasan....ang prinsipyo, lakas, estratehiya, at tunay na serbisyo(gawain) ay kailangan. Tama! Kahit simpleng tao ay kayang gawing makiisa, lalo na kung tutulungan ng mga taong higit na may alam. Subalit, nailagay mo na ba ang sarili mo sa sitwasyong kinasasangkutan ng iilan nating mahihirap na kababayang kabilang sa mga taong sumisira sa kalikasan? Naranasan mo bang pumunta sa paaralan nang walang agahan at tanghalian...na swerte na lang na mapunan ang sikmurang kumakalam kahit katiting na pagkain sa panahon ng hapunan? Naranasan mo bang umiyak para sa kapatid, ama, o inang nagkandahirap pumutol ng puno sa kagubatan nang sa gayon ay magkaroon ng  perang pambili ng pantawid-gutom, ngunit  nahuli, nakasuhan, at nakulong dahil sa pang-aabuso sa kalikasan? Napakasakit, ngunit totoo!  Subalit, ano pa man ang sasabihin, walang nang magagawa dahil ang batas ay kailangang maipatupad.

         Isipin na lang nating ang tao ay bahagi ng kalikasan. Kung ang kalikasan ay gugustuhin nating pangalagaan, isama na rin nating isalba ang ating mga kababayang nakakagawa ng kasalanan dala ng kahirapan. Huwag maging sakim sa pera't kaalaman. Aanhin pa ang mga ito kung ang mundo'y maglalaho...lahat ay mapupunta sa kawalan.